Floating Widget

Sunday, September 26, 2004

"KUN-O" (Mga Kunyaring Tao)

Malapit na ang eleksyon, kapag ganitong mga panahon, dumarami na ang tao sa daan at ang lahat ay nakikipagmabutihan. Mayroong mga kumakaway at mayroon din namang mga kumakamay na para bang "friends" kayo at pagdaan sa harap ko, nag-isip ba ako o ako na ay nalito?

Ang ganda nya, ang pogi nya at ang kutis nila ay mapupula akala ko nga ay mga artista (ang ilan sa kanila, oo). Kinamayan ako pero natandaan ba ako? Kinawayan din ako pero sigurado bang ako e nakashades papaano?! Lahat ng iyan ay nakakamangha, nakakaaliw, at higit sa lahat, sobrang magulo! Minsan nga mas gugustuhin ko pang huwag na lang bumoto! Kapag hindi ko naman ginamit ang karapatan kong ito, dalawang bagay lang ito, ang may bumoto para sa akin o ipagkatiwala sa iba ang bukas natin. Kapag bumoto naman ako, dalawang bagay lang ulit, ang manalo ang ibinoto ko o iba ang manalo! Napakasimple pero dapat pa ring pag-isipan. Gawin ko ang bukas ko o ang bukas ang magdikta at gumawa ng buhay ko?! Hindi dapat pagkatiwalaan ang hindi katiwa-tiwala at huwag ding hayaang sirain ng bukas ang ating mga ipinundar!

Napansin ko lang, ang daming gustong maging pangulo. Bakit kaya 'di natin baliktarin ang mundo? Bakit 'di tayo magbotohan kung sino ang simple at totoong tao? Sigurado ako, kakaunti ang mananalo. Ano ba kasi ang maganda sa posisyong ito? Napakaliit na gusot, wala kang lusot! Hindi ka mangurakot, mabuti kang tao, wala ka nga lang matinong trabaho. Mangurakot ka, mayroong trabaho yun nga lang, masama ito! Ano ba talaga kuya?! Ang lahat ng problema, ay sa iyo idinudulog samantalang ikaw ay walang madulugan. Ikaw din ang nagsisilbing sumbungan ng bayan, samantalang ikaw ay walang masumbungan! Hindi ka naman diyos ngunit ikaw ay sinasamba. Mabait ka naman, mukha ka nga lang masama! Ang laging dahilan ay ang makapaglingkod sa bayan kaya gustong manalo sa halalan pero 'pag sinabihan mong kailangang maglinis ng daan, ang sasabihin ay "may metro-aide naman." Bakit 'di na lang pala metro-aide ang gawing pangulo ng bayan? Isa pa! Sabi nya, sya daw ay "makahirap" kaya naman pala tayo ay 'di na makaahon sa hirap!

Isa lang naman ang gusto kong mangyari, manmanan ang balota, magmasid at makialam. Sa panahon natin ngayon, hindi naman yan kasalanan! Ang lahat ay dapat kumilos nang tayo ay umunlad. Kung hindi tayo ang kikilos, sino? ANG MUNDO?! Oo! Pababa nga lang! Kaya sana pag-isipan natin ang bagay na ito, ang botohan! Ipanalanging walang mangyaring dayaan, walang dagdag bawas at ang mga patay ay manatiling patay baka mamaya lang kasi bigla silang mabuhay. Alam nyo bang maaari nating ibahin ang nakaraan at huwag ng bumalik sa mali nating pananaw at nakagisnan? Io! Hindi yan malayo sa posible at katotohanan. Ang lahat ng 'yan ay nasa ating mga kamay kaibigan!..8
Share this :

No comments:

ShareThis